Pages

Friday, April 22, 2011

Ang Pamangkin ni Ate Mercy... - Chapter 2

BY: James W.
Email: james.wood86@yahoo.com (FB Account)





CHAPTER TWO...



Pakamulat ng aking mata nakita ko nalang ang sarili ko na nakahiga sa kama, sa isang pamilyar na lugar, Ang bahay ni Aling Lagring. Ang ina ng kalaro kong si Fred. Nakita ko si Fred na nakatingin sa akin, binabatayan nya pala ang aking paggising habang hawak hawak ang laruan kotseng kahoy at nilalaro iyon sa ibabaw ng kamang aking hinihigaan.


 “Naaaaaaaay!, si tonyo gising na Nay”


May pananabik na bumaba si Fred ng kama at lumabas ng kwarto na akala mo ay may inaantay na muling nagbalik. Bumalik syang hila-hila sa kamay si Aling Lagring.


 “O Tonyo gising ka na pala utoy. Kumusta ka, may nararamdaman kaba, may masakit  ba sayo, nanggaling kanina dito si Duktor, chinek-up ka nya, ginamot narin nya ang sugat mo, pinahiran nya ng ointment ang mga pasa mo. Ang sabi nya dahil sa pagod, sa mga pangyayari, at sa sakit na tinamo ng iyong katawan kaya nawalan ka nang malay”


Biglang bumalik lahat sa akin ang pangyayari, napaiyak na naman ako sa pagkaalalang wala na akong pamilya. Ang lahat ng dagok sa aking buhay


 “Tonyo, tahan na, wag ka munang mag-isip tungkol sa bagay na yun, wala kapang kinakain buhat kaninang umaga, mag- gagabi na, kailangan mo munang kumain. Sabi ni Duktor pakainin ka daw agad pag nagising ka, para makabawi ang katawan mo at para gumaling ang sugat mo.” Pag-aalala sa tono ni Aling Lagring.


 “Oo nga Tonyo dapat kumain ka kasi gusto kong maglaro ulit tayo. Pero hindi pa pwede ngayon kasi may sugat ka pa. At saka dapat kumain kana kasi masarap ang ulam namin, sinigang, diba peyburit mo yun?” Nanlalaki pa ang mga matang at tumutulis pa ang ngusong wika ni Fred. Kung magsalita ay para bang dapat kang maniwala sa kanyang sinasabi.


Pero wala akong gana, ang gusto ko ay umiyak ng umiyak. Mas ramdam ko ang sakit na maulila kaysa sa sakit ng aking katawan at pagkagutom. Ilang lingo din akong nakatulala, Hindi ko matanggap ang pagkawala ni Inay, ang galit at pag-alis ni Itay at ni Junjun. Ang isiping nag-iisa nalang ako sa buhay. Inampon naman ako at pinalaki ni Aling Lagring na parang tunay na anak, tinuring din ako ni Fred na parang tunay na kapatid dahil nag-iisa lang syang anak. Mag-isa nalang si Aling Lagring sa pagpapalaki kay Fred at hindi nagkulang si Aling Lagring sa pag-aalaga sa akin bilang aking pangalawang ina at lagi nyang pinapaalala sa akin na hindi ko kasalanan ang mga nangyari, na dapat kong ipagpatuloy ang buhay para makita ko ang kapatid ko at makasama balang araw. Lagi nyang sinasabi na naging mabuting kaibigan sa kanya si Inay kaya hindi man nya mapantayan ang kabaitan nito ay susuklian nalang niya iyon ng pakupkop sa akin.


 “Tonyo, kumain ka ng marami para lumakas ka, kasi sabi ni Inay, sasabay ka na daw sa akin sa pasukan para pumasok sa skul, Hayaaaaan! magiging klasmeyt na kita.”


Sinasabayan lagi ako ni Fred kumain, para bang lagi syang tuwang tuwa kasi nagkaroon sya hindi lang ng kalaro kundi pati kapatid. At ngayon magiging magkaklase pa kami. Mabait sa akin si FRED.  Lagi nya akong ginagabayan. Kahit magkasing edad lang kami parang kuya kung umasta sya. Minsan nalilimutan ko ang mga pangyayari sa buhay ko dahil sa kanya.


Sa school...


“HOOOOYYY! ANUNG GINAGAWA MO KAY TONYO?”  Sigaw ni Fred matapos akong batukan at agawan ng baunan ng isa naming kaklase.


Tinulak niya ito sa damuhan at nang mapansin ng kaklase naming hindi sya uurungan ni Fred, dadali tong umalis at takot na takot na iniwan kami. Pinulot ni Fred ang baunan ko na inihanda ni nanay Lagring at ibinalik sa kin.


 “Salamat ha, kung hindi ka dumating wala na akong baon.”


 “Wala yun Tonyo, tignan ko lang kung lumapit ulit sayo yung gagong yon, humanda sya sa akin”


 “OO nga takot na takot nga sya, ambilis bumangon at nagtatakbo” Sabay kaming nagkatawanan.


 Minsan nalilimutan ko ang masaklap ng mga pangyayari sa akin sa tulong ng kaibigan at kapatid kong si Fred. Nandyan din ang kalinga at suporta ni Nanay lagring. Pero dumadating ang mga gabi na hindi ako pinapatulog ng masakit na nakaraan.


MATAPOS ANG 18 TAON...


 “INAY, ITAY, JUNJUN, WAG NYO KONG IWANNNNNNNNNNNN!!!”


Bigla akong napabangon sa kama. Ramdam ko ang butil ng pawis ko sa noo. Nanaginip na naman ako. Basa na naman ng luha ang unan ko. Asan na kaya si Junjun. Miss na miss ko na sya, naaalala pa ba kaya nya ako? Kilala pa kaya nya ako. Makikilala ko ba sya pag nakita ko sya? Mga tanong na pumapasok lagi sa isip ko tuwing mapapanaginipan ko sila.


“TAHOOOOOOOOOOOOOOO.” Sigaw na maririnig sa labas.


“Taho kayo riyan. Mga bata bili na kayo, tutoy tawagin mo ang nanay mo, hingi ka ng pera sabihin mo may taho.” Pang-uuto ng magtataho para makabenta.


 Yan ang maririnig sa pagitan ng alas nuebe at alas diyes sa lugar namin. Ngunit tuwing sabado at linggo ko lang naririnig dahil alas 6:30 ng umaga ang pasok ko mula lunes hanggang byernes. Kakagising ko lang, manaka-nakang naramdaman ko ang pananakit ng ulo dulot ng alak na nainom noong nagdaang gabi, madaling araw na yata akong nakauwi mula sa “disco bar”. Kung anung ganda ng gabi ko kahapon ay sya namang pangit ng gising ko ngayon. Pagkasarado ko ng aircon ay binuksan ko na ang electric fan at ang bintana ng inuupahan kong bahay para makalanghap hindi ng sariwang hangin kundi ng usok at alikabok mula sa labas. Iba na kasi sa Maynila, hindi na fresh air kahit saan. Bagamat hindi pa tanghali, ay  kainitan na ng araw. Lahat ng ale, mama, ate, kuya, bata, matanda ay nakapila na sa poso. Sa may banda roon naman ay parang animoy mga de makinang kababaihan ang walang kapaguran na nag-ba-brush ng kani-kanilang mga damit sa araw-araw nalang na ginawa ng maykapal. May kanya-kanya rin silang malaking palanggana, bangkito o bangko, tabla, espongha, sabon at clorox


May sumisigaw din ng puto, may kumakalembang naman na naglalako ng binatog, ito yung nilagang hinimay na mais na may niyog at asin sa ibabaw. May mga batang naglalaro ng Chinese garter, laglag panyo, text cards, tumbang preso na kahit nanlilimahid na sa karumihan ang katawan at tulo na ang sipon ay masayang-masaya parin. Meron ding sa gawi roon ay may mga nag-uumpukang mga tao na naglalaro ng pusoy dos at tong-its. Ganito ka-abala sa kanya-kanyang trabaho at libangan ang MGA ANAK NI JUAN sa kalye Rizal.


Ito ang panglimang lugar na nilipatan namin ni Fred matapos makakita nang trabaho dito sa Maynila. Oo, nakatapos ako ng kolehiyo sa tulong ni Inay Lagring. Maganda ang pagpapalaki nya sa akin, lumaki akong may takot sa diyos at pinalaking mabuting tao sa kapwa. Sa kabila nang mga pangyayari ay lagi akong pinapaalalahanan ni Inay Lagring na kalimutan ko ang na masasakit na nakaraan sa aking buhay at gawing kong masaya ang aking bukas. Alam kong hindi mababayaran ang kanilang kabutihang mag-ina kaya pinangako ko sa kanila ni Fred na magtutulungan kaming dalawa para maging maalwan at hindi na magtrabaho pa si Inay Lagring namin. Sinasabi rin ni Nanay Lagring na malaki ang pagkakahawig ko kay Inay kesa sa Itay. Halos lahat daw ng pisikal na anyo sa Nanay ko nakuha.


Nasa kabilang bahay-paupahan nga pala si Fred. Dati magkasama kami pero nung maisipan naming kailangan namin ng privacy dahil may mga panahon na may boyfriend ang isa sa amin naisip naming mag tig-isang lugar nalang. Oo pareho kaming hindi tunay na lalaki ni Fred. Pero ngayon pareho kaming not committed, in short “available”.


Ako nga pala si Tonyo Guevarra, minsan ang tawag sa akin “Tonyo” pero dito sa Maynila, madalas “Onic”. 23 taong gulang at 5 taon ako nang mangyari sa akin ang masaklap kong nakaraan, si Fred Guevarra ang bestfriend, kapatid, kuya-kuyahan at barkada ko. Pareho ang edad namin. Pinaregister narin ni Inay Lagring ang pangalan ko at pinalitan ang apelyido sunod sa apelyido ng nasira nyang asawa para daw maging ganap ang pagiging magulang nya at kapatid ni Fred sa akin. Papi ang tawagan naming mag bestfriend. Pareho kami ng pinapasukang kumpanya ni Fred sa isang sikat na Telecommunication Company sa Pinas. Administrative Manager sya sa branch namin at nasa MIS department naman ako bilang superbisor. Ako lang ang nakakatawag sa malditang yun ng ganun. Ang tawag sa kanya ng Company staff and superiors ay Sir. Guevarra. Hindi alam sa company namin ang tunay naming preferences.


Kinakatakutan si Fred sa Kumpanya sa pagiging estrikto sa rules nito. Hindi mababayaran ang pagiging loyal nito hindi sa boss kundi sa policies and regulations. Kahit mga Boss ay saludo sa gagang ito. Dati Binalak kong bumili ng sasakyan pero hindi na ako pinayagan ni Papi. Bakit pa daw, meron naman si cinderellang magic pumpkin. Pinag-aral nalang niya akong mag drive ng kotse para pag kailangan kong umalis mag-isa ay magagamit ko ang kotse nya.


Tuwing sabado ganito ang umaga ko. Kahit gusto ko pang matulog ay hindi ko na pinilit pa dahil sumasakit lang ang ulo ko.  Sinarado ko na  ang kurtina para naman kahit papaano ay hindi pumasok ang init sa bahay. Nagtimpla at humigop ng kape sabay sindi ng yosi. Nakakaginhawa. 


Naisip kong lumabas muna at maghanap ng matatanghalian.  Nilagang baka yun ang pumasok sa isip ko para maalis ang sakit ng ulo ko. Matapos kong  bumili ng baka at mga sahog sa mini palengke ni ate Mercy ay bumili  narin ako ng V-cut  na paborito ko nung bata pa ako at hanggang ngayon ay gusto ko parin para habang nagluluto ako ay hindi kumakalam ang sikmura ko sa gutom. Pagka-abot ko ng bayad ay napansin ni ate Mercy na malaki ang pera ko.


 “Wala ka bang barya Onic?”


 “Wala te, kahit mamaya ko na kunin. Para ka namang iba”


  “Ay hindi, intayin mo na saglit papabarya ako. Alam mo naman ako. Makakalimutin. Mahirap na, nakakahiya sayo. Ikaw lang at yung isang suki ko ang hindi nangungutang sa akin uy.”


“Ang sakit mo namang magsalita mercita, hello andito ako sa harap mo, nagpaparinig kaba? bakit nagbabayad naman ako ah” Ang singit ni Ate Joy, isa pang suki ni Ate Mercy.


 “Aba hindi ah, bumubulong nga ako, narinig mo pala, kailan ka nagbayad? Aber? Hoy Ligaya, tatlong buwan. Tatlong buwan na yung utang mo.” Sagot naman sa kanya ni Ate Mercy.


  “Akala ko ba makakalimutin ka.”


  “Oo pero may notebook at ballpen ako. At ligaya, maryosep naman tatlong buwan. Tatlong buwang utang, makakalimutan ba yun? Syamnapung araw kong nakikita sa listahan ko, ay tinamaan ka ng magaling pag hindi mo pa namemorya.”


 “Yaan mo babayaran kita. Pag bumaba na sa barko yung boyfriend kong Prends”


 “Anung Prends?”


 “Prends, yun bang pranses sa tagalog”


 “French. Gaga. Aba pitong buwan mo ng sinasabing baba yun sa barko ah. Hindi kaya lumampas na yun ng ilalim na lupa. Baka nasa kaharian na yun ng mga laman lupa.” Natatawa naman ako habang pinapanood ko ang dalawa.


 “Sobra ka namang magsalita. Sige na. Ilista mo na itong nakuha ko” Pambihira talaga itong si Ate Joy.


Ganyan si Ate Mercy kabait sa mga kaibigan nya. Matagal na yata sila ni Ate Joy magkaibigan. Sa totoo lang wala daw sa kanya ang mga kinukuha ni Ate Joy. Tulong na daw nya yun sa kanya. Pero hindi nalang nya sinasabing wag na nitong bayaran dahil baka mamihasa. Ginagamit nya ang salitang “utang” para kahit papaano ay mag hanap ng trabaho si Ate Joy dahil prosti si Ate Joy. Ayaw ni ate Joy ang maghanap ng ibang trabaho, ang katwiran nya wala syang natapos at mauuwi lang sa pagkatanggal sa trabaho gaya ng naranasan na nya nang maraming beses , ang gusto nya titihaya lang sya sa kama at ayun may pera na sya. Pero ibang iba si Ate Mercy may asawa at anak ito at kahit minsan ay hindi sya napasuot sa ganun trabaho. Pero para sa kanya. Hindi masyadong totoo ang salitang “Birds with the same feather, flock together” dahil kahit magkakaibigan meron parin silang mga pagkakaiba.


Ang totoo nyan, kung sino ang gusto nyang kaibiganin ay kinakaibigan nya. Wala syang pinipili anu man ang kalakaran nito sa buhay. Ang katwiran nya “kaibigan kita, anu man ang karga mo, ikaw bahala dyan, hanggat wala kang ginagawang masama sa akin, friends tayo”. Dahil alam nya kung sino ang mabait sa panlabas at mabait sa panloob na pagkatao.


 “See. Utang na naman.”


 “Basta ilista mo, alis na ako, nagugutom na si Nanay”


 “Sige. Ay naku Onic, pasensya kana pinag-antay kita, alam mo naman yang si Ligaya, Hay Naku.”


 “Ok lang te. Wala namang pasok” Binuksan ko muna ang isang V-cut habang nag-aantay ng sukli.


 “Ah sandali papabaryahan ko to. Ah Luis!!! Luis!!!”


 “O, tita Bakit po?” sagot naman ng pamangkin nya sabay labas mula sa loob ng bahay.


Grabe muntik nang malaglag ang V-cut sa bibig na nilalantakan ko na ng oras na iyon dahil napanganga. Nakasando ito na blue na hakab na hakab ang korte ng muscle ng katawan, big chest, strong shoulders na may “tribal tattoo” sa maputi nyang braso. Flat stomach na baka binuksan mo ay nandun ang mga ‘abs’. Naka brown military shorts na lampas tuhod lang. Ang PUTI as in hanggang talampakan, namumula yata ang talampakan nya na parang Pinkish pa.


Nakaidentify ang salitang H-U-N-K pag nakita mo sya. Naka CAPITAL LETTERS PA.  May konting highlights ang buhok na halatang bagong gising din dahil medyo magulo pero parang inistyle lang ng Bench or James Cooper Salon. Puting Macho ika nga ng iba. Kahit malaki ang katawan nya ay sya namang cute ng hubong ng mukha nya.. At sobrang haba ng pilik at may palangiting mga mata. Tamang tangos ng ilong at ang nakadadag sa tindi ng ka cute-an nya ay ang kanyang trimmed na balbas na luminya mula sa patilya pababa sa kanyang baba. May pamangkin pala si ate Mercy na anak ni Bathala, oo mukha syang prinsepe. Parang nag aawitan ang mga panindang isda ni ate mercy, at ang init ng araw, parang spotlight lang sa entablado, ang simoy ng alikabok nagiging oxygen sa paraiso. Ganito ba talaga ang nagagawa ng mga anak ni Zues, este ni Luis... nagbabago ang paligid.


 “Luis pabaryahan mo nga tong isang libo sa may kanto dun sa Aling Bebang Groceries tapos suklian mo si Onic. Ay nga pala Onic pamangkin ko si Luis kakarating lang kagabi galing sa province namin. Luis sya si Onic, mabait kong kapitbahay at suki. Dyan lang yan sa malapit nakatira.” Sabay kindat sa akin ni ate Mercy. Buti nalang hindi nya ako nakitang nakanganga.


 Alam ni ate Mercy kung ano ang preferences ko, at nakita na rin nya dati ang ex- boyfriend ko..


 “Hello Luis”


 “Hi Onic.”


 Nakangiti nitong bati. Napahawak agad ako sa bulsa ko baka kasi nalaglag yung shorts at brief ko . (Etchos) Sabay nakipag kamay sa kanya. Tinamaan ng lintek ang satap hawakan ng kamay, tuyong tuyo, makinis at malaki. Buti nalang hindi ako pasmado. Pwede na akong hindi kumain ng nilagang baka, busog na ako sa kamay ni Luis.


 “Suklian mo na rin sya ha, nasa notebook ang nakuha nya... Papasok muna ako at yung niluluto ko baka napano na. Pagbalik mo ikaw muna ang tumao dito sa tindahan.” Paalala ni Ate Mercy sa pamangkin nya.


Tango lang ang sinagot ni Luis at tumango din sa akin tanda ng pagpapaalam pasumandali. Mukhang mahiyain sya. Bakit sya nahihiya, may maipagmamalaki naman sya. Naku paano nalang kung average looking sya, di lalo na syang nahiya. Pag kaalis ni ate Mercy ay nilingon ko agad ang papaalis na si Luis. At tinitigan ang papalayong magandang nilalang. Hay ang sarap naman tanawin. Kahit maputik ang lugar naming, maalinsangan ang paligid ay gumanda ito na parang Disney Land dahil kay Luis. Parang hinipan ng malakas na hangin ang sakit ng ulo ko nang makita ko sya.


Maloloka si Papi pag nakita nya ang nakikita ko.


 “Onic? ONIC!”


Tawag ni Luis, habang wla ako sa sariling nag mumuni muni. Napahiya tuloy ako.


 “Ay Sorry. Andyan ka na pala”


 “Ok lang. O ito na yung sukli mo.”


 “Ah sige salamat. Uwi na ako pakisabi kay ate Mercy ha.”


 “Ok sige sabihin ko.”


 “Ah ok. Sige bye.”



(ITUTULOY)

No comments:

Post a Comment