BY: James W.
CHAPTER ONE...
“Ako...sino nga ba ako... kahit ako hindi ko mabigyan ng katauhan ang sarili ko pero alam ko masaya na ako.”
Ito ang kwento ng buhay ko...
“O Itay, dalhin mo ito, nariyan na ang hapunan mo at almusal mo bukas. Pag nagutom ka mamaya may ginataang saging sa loob may kape at asukal narin dyan, mag painit ka nalang ng tubig sa kubo.” Sabay abot ni Inay ng balutan sa Itay.
“O sige Nay salamat dito, Aalis na ako, malapit ng lumubog ang araw”
“Oo magmadali kana, mahirap gabihin sa daan walang ilaw ang kalsada. O Tonyo, Junjun, mag paalam na kayo sa Itay nyo.” Tawag ni Inay sa amin nang nakababata kong kapatid na si Junjun o Julian Jr., para magpaalam kay Itay.
Yumakap at humalik sa amin si Itay.
“Paalam tay. Ingat kayo” Magkapanabay pa naming sabi ni Junjun.
“Tay pasalubong namin ha” Pahabol kong sabi kay Itay. Inaasahan lagi namin na magdadala si Itay ng minatamis na Niyog na mabibili sa kanyang dinaraanan.
“Oo alam ni Tatay yun. Di makakalimutan yun, para yata yun sa mga anak ko” Pakorning tono ni Itay.
Sabay ngiti sa amin at humarap sa Inay.
“O siguraduhin nyong nakasarado ang bahay. At wag na kayong magpapapasok ng bisita.” Pagpapaalala ni Itay.
“Alam ko,sige na, baka gabihin ka pa.”
“Inay parang kinakabahan ako, wag na kaya akong tumuloy?” Pag-aalangan ni Itay.
“Anu kaba, Dyan ka lang naman sa palayan pupunta, anung ikinakaba mo? At saka nakakahiya kay Senior Enrico. Ikaw ang pinagkakatiwalaan nya. Wag ka nang kabahan ‘Tay, kayang kaya namin ang sarili namin. At malapit lang naman ang kapitbahay nating si Lagring. Lakad na at palubog na ang araw.”
“O sige, mag-iingat kayo.” Tumalikod na ang Itay pero muli itong humarap sa Inay at winikang “Mahal na mahal kita Rosario”
Narinig namin ni junjun ang pagkamalambing ni Itay.
“Uyyyy... si Itay at si nanay” Ang pakilig kong pagkakasabi sa dalawa.Sabay ngiti ng aming magulang.
Umalis na rin si Itay at doon sa kubo sa palayan sya matutulog na malayo sa aming tirahan. Naroon ang malaking imbakan ng bigas at madaling araw kokolektahin ang mga sako sakong naaning bigas. Ihahatid ito sa Maynila ng mga taong inutusan ng may-ari ng lupa na si Senior Enrico. Di nagtagal matapos ang hapunan ay nagsimula na kaming masipagtulog...
“Anak gising, gumising kayo bilis, nasusunog ang bahay” Ang sigaw ni Inay.
ِِNananaginip daw ako na naka bilad daw ako sa ilalim ng sikat ng araw, kaya pala ramdam ko pa ang init sa aking mukha. Kaya pala iyon ang napapanaginipan ko ay dahil sa paglagablab ng apoy na halos umabot na sa kalahati ng aming dampa.Mabilis nitong winawasak at kinakain anu man ang mahagip. Mabilis akong bumangon pero hindi ko maaninag ang paligid, dahil puro usok ang loob ng kubo. Natataranta na ako, gising na ang buong sistema ng katawan ko, inaninag ko kung nasaan si Nanay at si Junjun, mabilis kong pinuntahan ang nagsisimula nang umiyak kong kapatid para buhatin at sabay-sabay kaming lumabas ng kubo, hinanap ko si Inay, inaninag ko din syang mabuti kung ano pa ang ginagawa nya gayong malala na ang sitwasyon. Kinukuha pala nya ang basket na naglalaman ng mahahalagang bagay para sa kanya, ang kwintas na pinamana sa kanya ng lola, ang mga litrato namin, ang ipon ni Itay sa pagtatrabaho, at ang iba pang mahahalagang bagay ni Inay. Dahil naipit ang basket ng nalaglag na malaking kahoy hindi tuloy ito makuha ni Inay.
“INAY TAMA NA YAN!!! UMALIS NA TAYO, LUMALAKI NA ANG APOY, NAY!!!” Ang pagsigaw ko para kumilos na ang Inay at hayaan nalang ang basket dahil nanganganib ang buhay namin.
Pero ayaw paring bitawan ni Inay at hindi parin sya paawat sa pag-hila ng kanyang basket. Hanggang sa nangyari ang isa pang bagay na hindi ko inaasahan. Isang malaking kahoy ang bumagsak mula sa taas at nadali nito ang isang hita ni Inay.
“ARAAAAAAY!!!”Ang palahaw ni Inay sa sakit.
Dahil sa nangyaring iyon ay lalo kong naramdaman ang takot, dahil kumakalat na ang apoy at lumalaki na ito ng mabilis, ngayon naman si nanay naman ang hindi ko mai-alis sa pagkakadagan ng kahoy, pilit ko syang hinihila.
“INAAAAAAAAY!!!”
“Lumabas na kayo ng dampa, iligtas mo ang kapatid mo, bilisan mo!!!” Pagtulak ng kamay sa akin ni Inay.
“INAY, PAANO KAYO? HINDI, HINDI KITA IIWANAN” Ang desperado kong tugon sa nanay.
“Tumakbo kana, humingi ka ng tulong sa labas”
Tama si Inay kung lalabas ako at hihingi ng saklolo, may posibilidad na makuha agad sya. Yun ang paraan para maligtas kaming lahat, kaya binuhat ko si Junjun, tumakbo at humingi ako ng tulong sa mga tao at sabihing naiwan pa ang Inay sa loob at naipit ng malaking kahoy. Pero nang makalabas kami ng kapatid ko at walang anu-anu ay bigla nalang bumagsak ang dampa at lalong lumaki ang apoy.
“ INAAAAAAAAAAAAAY!!!”
Hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko. Biglang nawala ang pag-asa na makukuha ko pa si Inay.Sasabog yata ang utak ko sa pagkawala ng pinakamamahal kong Ina, Alam ko na kung nagtagal pa kami ni Junjun sa loob ay walang makaliligtas sa aming tatlo. Ayokong isipin ang sakit na naranasan ni Inay habang unti unting nilalamon ng apoy. Tumakbo na ako palayo sa aming nasusunog na bahay, bitbit ko ang kapatid kong si junjun, pupuntahan namin ang pinakamalapit na kapitbahay naming si Aling Lagring na medyo may kalayuan din sa aming dampa. Nang bigla nalang naming narinig ang isang malakas na pagsabog sa loob ng gumuhong kubo. Lumingon ako puno ng luha sa aking mga mata. Lumaki lalo ang apoy. “INAAAAYYYY” Sigaw ng isip ko.
Alam kong wala ng magagawa ang pag-iyak para muling mabuhay si Inay, pero iyon lang ang tangi kong nararamdaman ang maghinagpis at umiyak ng umiyak. Madalim pa ang paligid maaaring mga ika-lima o ika-anim palang ng umaga, pero tumitilaok na ang mga tandang, kasabay ng paglagablab ng aming munting tirahan. Nagsisimula nang magdatingan ang mga tao, narinig nila marahil ang malakas na pagsabog at nakita nila ang malaking usok sa gawi ng aming bahay. Nasalubog agad namin si Aling Lagring sa daan. Si Aling Lagring ang matalik na kaibigan ni Inay, dali-dali nya kaming sinalubong at niyakap kami ng kapatid kong umiiyak. Nariyang hahaplusin ang mga mukha namin at yayakapin muli, titignan muli kami at tatanungin kung anung masakit sa amin, titignan kung may galos ba kami at muling yayakapin. May mga taong nakatingin sa amin, may iba na tumatakbo diretso papunta sa lugar malapit sa nasusunog naming kubo.
“Nasan ang Inay nyo???”
Sinabi ko sa kanya na patay na ang Inay at umalis ang Itay dahil nagbantay sa palayan.
“ROSARIOOOO, huhuhu.... Diyos ko... ROSARIOOOO” Katulad ko hindi sya makapaniwala na wala na si Inay.
Nakikisimpatya si Aling Lagring sa masaklap na nangyari sa aming pamilya. Dinala nya kami sa bahay nya para linisin at palitan ng damit at pakainin narin. Lumabas na nang tuluyan sa kinakukublihan nito ang haring araw at mga alas siyete na siguro iyon ng umaga nang dumating ang Itay, nakita nya na marami paring tao sa paligid at may bomberong nagliligpit matapos maapula ang apoy at rumisponde na rin ang mga pulis at mga nakatoka sa pagkuha nang bangkay ni Inay sa nasunog na dampa. Pero sinabi ng mga ito na wala nang naiwang labi sa loob ng nasunog na kubo, dahil sinaid na ito ng apoy. Sinabi nila na sobrang malaki ang apoy at nahagip nito ang tangke ng gas na sanhi ng malakas na pagsabog.
“Iyon pala ang sumabog kanina” bulong ko sa sarili.
Si Itay matapos mapagtanto ang mga pangyayari ay nagsisigaw, tinatawag nya ang diyos at tinatanong kung bakit ito nangyari sa amin.
“tuya batit kaw iyak?” tanong ng kapatid kong hindi pa tuwid magsalita.
Niyapos ko ang natitirang alaala ni Inay.
“Jun tandaan mo to, hindi tayo magiiwanan ha. Basta lagi ka lang sa tabi ko ha.” Humihikbi kong sabi sa kapatid ko.
“Opo tuya, pero tuya asan ti naynay?” Ang tanong nya muli.
“Nasa langit na siya Jun, Masaya na si Inay” sagot ko naman.
Biglang lumingon si Itay sa kinaroroonan namin.
“IKAW, IKAW ANG DAHILAN KAYA NANGYARI ITO!!!”Ang baling sa akin ni Itay. Dagli nyang hinablot ang aking braso at dinuruduro ang mukha ko.
“Ka Poldo, anu bang pinagsasabi mo?” Gulat na tanong ni Aling Lagring. Pero hindi sya pinansin ni Itay at nanatiling nakatingin sa akin.
“IKAW ANG SUMIRA SA BUHAY NATIN, IKAW ANG LAGING NAKAKAIWAN NG KANDILANG BUKAS, IKAW ANG SUMUNOG SA BAHAY, IKAW ANG PUMATAY SA ASAWA KO!!!” Ang nanggagalaiting sigaw ni Itay.
“Bitawan mo ang anak mo Ka Poldo, walang kasalanan si Tonyo, hindi ka pa sigurado kung iyon nga ang dahilan kung bakit nasunog ang bahay nyo”
“Anung hindi, iyon ang sinabi ng mga imbestigador, ang kandila ang pinagmulan ng sunog. KAYA IKAW, IKAW ANG MAY KASALANAN” Lingon kay Aling Lagring at baling muli sa akin.
“Itay tama na po Itay, huwag” patuloy na pananakit sa akin ni Itay.
Nakita ni Itay ang walis at kinuha niya ito at galit na galit na inihambalos sa akin.
“ARAY TAMA NA ITAY, MASAKIT YAN.” Pamimilipit ko sa sakit, hindi ko na alam kung saan dumadapo ang kahoy sa sobrang dami ng paghataw ni Itay, ang alam ko lang mahapdi ang bawat hampas para itong apoy na nakakapaso sa init at lumalatay iyon hindi lang sa aking balat, kundi pati sa aking pag-iisip.
“Tay mana, wawa si tuya” Pagsigaw ni Junjun.
“ANU BANG GINAGAWA MO POLDO, ITIGIL MO YAN!!!” Awat ni Aling Lagring.
Humihingal at tumutulo ang luha ni Itay nang tumigil sya sa kanyang nagngangalit na paghampas sa akin. Niyakap ako ni Aling Lagring. Kahit mahapdi, niyakap ko si Aling Lagring, kailangan ko ang yakap na iyon dahil hindi ko na kaya ang mga pasakit na aking nararanasan. Ramdam ko ang malakas na pagtibok ng puso ko at ramdam ko rin ang daloy ng dugo sa mga nasugatang ugat dulot ng mga latay sa aking balat.
Nakakatakot si Itay ng mga oras na iyon, hindi ko na sya kilala, habang yakap ko ang umiiyak na si Aling Lagring marahil sa awa sa akin dahil sa aking sinapit, tinignan ko si Itay pero iba ang nararamdaman ko sa kanya, bigla syang parang naging estranghero, kinakapa ko ang puso ko kung mahal pa ba nya ako. Biglang binuhat ni Itay si Junjun.
“WAG NA WAG KANG SUSUNOD SA AMIN. HINDI KO NA GUSTONG MAKIKITA ANG PAGMUMUKHA MO. ANG MUKHANG SUMIRA SA BUHAY NG ASAWA KO!!!” Panduduro ni Itay sa mukha ko. Inilalayo naman ako ni Aling Lagring marahil sa takot na makuha muli ako ni Itay at saktan.
Tumawag sya ng tricycle at dali-daling sumakay at namalayan ko nalang ang sarili ko na hinahabol ang tricycle na sinakyan nina Itay.
“ITAYYY, SANDALI, JUNJUN! WAG NYO KONG IWANNNNNNNN!!!”
“TUYAAAAAAAAAA!!!” Si Junjun.
“DIYOS KO NAMAN! POLDO! BUMALIK KA!” Naririnig ko si Aling Lagring na nakikihabol at sumisigaw sa likuran ko. Binilisan ko ang aking pagtakbo, hindi ko kayang mawala sila sa akin.
“ITAYYYYY! SAMA AKO ITAY!, WAG NYO KONG IWANNNNNNNNNNNN!!!”
Mabilis ang tricycle, hindi ko yata kayang tagalan pa. Hindi ko na kayang tumakbo pa, wala ng lakas ang mga paa ko. Ang hirap ng aking kalooban dahil sa pagiwan sa akin ni Itay, Ang kanyang galit, Ang pag kawala rin sa akin ni junjun, Ang sakit din ng aking katawan sa mga latay, Ang init din ng lupa na aking tinatapakan na ramdam ng aking mga paang walang sapin, Ang hinagpis din ng aking puso na dulot nang pagkawala ni Inay, Ang takot din dahil sa pagkawala ng matitirhan, Ang pagiging mag-isa, walang ina, walang ama, walang kapatid, walang kasama, walang tigil na pagluha, walang lakas, hanggang sa bumagsak nalang ako sa lupa....
Wala na akong namalayan pagkatapos...
(ITUTULOY...)
No comments:
Post a Comment